375 Fishpen sa Laguna de Bay, Ipabubuwag ni Lopez

 

 

 
Ni: Marites Badilla
 
MATATAPOS din sa wakas ang maliligayang araw ng mga may-ari ng 357 fishpen sa Laguna de Bay makaraang ianunsiyo ni Environment and Natural Resources Secretary Regina Lopez na itatransporma ang napakalawak na lawa sa isang eco-tourism industry.
 
Ang desisyon ni Lopez na baguhin ang Laguna de Bay ay alinsunod sa direktiba mismo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na gawing kapaki-pakinabang ang Laguna de Bay para makatulong sa interes at kagalingan ng mga mangingisda, sa partikular, at sa buong bansa, sa pangkalahatan.
 
Idiniin pa ni Duterte na napakaraming fishpen sa naturang lawa na ang mga may-ari ay malalaking negosyante at mga heneral, ngunit ang mga mangingisda na siyang nararapat mabuhay nang tama sa Laguna de Bay ay maliit lamang ang entitlement, o puwesto sa lawa.
 
Batay sa rekord ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), umaabot sa 357 lahat ang nakatirik na mga fishpen hanggang nitong Hunyo 30.
 
Kasama sa 357 pati ang ‘di rehistradong mga may-ari ng fishpen.
 
Ang 357 ay sumasakop sa 20% ng 90,000 ektaryang lawak ng Laguna de Bay.
 
Ang malalaking negosyante ay sumasakop sa 50 ektarya hanggang 1,000  ang lawak ng fishpen.
 
Ayon kay dating LLDA chairman Edgardo Manda, lalong lumalaki ang sakop, o entitlements sa fishpen ng mga malalaking negosyante dahil  pinagsasama nila ang sariling fishpen nila at iyong sa kanilang dummy.
 
Nangangahulugang maraming isda, kaya kumikita ng malaki.
 
Ang Laguna de Bay ang siyang itinuturing na pinakamalaking lawa sa Pilipinas.
 
Isa rin ito sa pinamalawak sa  Southeast Asia.
 
Maganda ang posisyon nito sa ekonomiya kung higit itong pakikinabangan ng bansa kaysa ng iilang malalaking negosyante at mga heneral, ayon sa mga taga-DENR.

You May Also Like