35 Pulis-QC, Ipinadalang Mindanao

SIMULA ngayong Miyerkules, sa iba’t ibang yunit na ng Philippine National Police (PNP) sa Mindanao gagampan ng trabaho nila bilang mga alagad ng batas ang 35 opisyal ng Quezon City Police District (QCPD).

Ang pagpapasibak mula sa QCPD at paglilipat saa 35 sa Mindanao ay desisyon ni chief PNP, Director-General Ronald dela Rosa, banggit ni Senior Supt. Guillermo Eleazar, bagong hepe ng QCPD.

Ayon kay Eleazar, wala siyang ideya kung bakit ipinasibak ni Dela Rosa ang 35 tauhan niya.

Kabilang sa mga ipinatapon sa Mindanao ay sina Supt. Jay Agcaoili, hepe ng QCPD District Special Operations Unit, at Chief Inspector Roberto Razon, pinuno ng QCPD District Anti-Drugs Unit, noong si Director Joel Pagdilao pa ang hepe ng QCPD.

Nitong nakalipas na taon, si Pagdilao ay inangat bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO)  mula sa pagiging hepe ng QCPD.

 

 

Pumalit sa kanya si Chief Supt. Edgardo Tinio na galing sa PNP-Bulacan.

Sina Pagdilao at Tinio ay dalawa sa mga heneral ng PNP na tinumbok ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kaugnayan sa sindikato ng droga.

Nang maging hepe ng NCRPO si Pagdilao, binitbit nito si Razon sa NCRPO upang maging pinuno ng Anti-Illegal Drugs Unit ng nasabing organo ng PNP sa Metro Manila.

Nang masibak kamakailan si Pagdilao, ibinalik si Razon sa QCPD.

Hindi kontra-droga ang trabaho ni Agcaoili, ngunit isinama siya sa mga sinibak sa  QCPD, sapagkat ayon sa impormasyong nakalap ng Tapat News online, tinatrabaho rin ng grupo nito ng droga alinsunod sa atas ni Tinio.

Mariin namang itinaggi nina Pagdilao at Tinio ang kausasyon ni Duterte.

Ngunit, nanindigan ang Pangulo na ang hawak niyang impormasyon laban sa limang heneral ay ilang ulit na pinagtibay ng mga ebidensyang nakalap ng intelligence community.

Bukod kina Pagdilao at Tinio, ang iba pang heneral na sangkot sa droga ay sina Bernardo Diaz, Marcelo Garbo, at Vicente Loot.

Sina Garbo at Loot ay mga riterado na.

Si Loot ay alkalde ng isang bayan sa Cebu.

Itinanggi rin nina Diza, Garbo, at Loot ang akusasyon ni Duterte.

Anila, maling impormasyon ang ibinigay ng intelligence community sa Pangulo. (Tapat News Team)

You May Also Like