P2.7-B, Kailangang Pondo para sa 4 na Drug Rehab Centers

 

 

Ni: Marites Badilla

AABOT sa P2.7 Bilyon ang kakailanganing badyet para sa itatayong apat na drug rehabilitation centers sa bansa.

Ayon kay Interior and Local Government Sec. Ismael “Mike” Sueno, kailangang magtayo ng bagong rehabilitation center dahil hindi kasya ang kasalukuyang pasilidades ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

Sa kasalukuyan, mayroong 15 drug rehabilitation centers ang pamahalaan na accredited ng department of Health (DOH).

Dalawangput-pito naman ang pribado na accredited din ng DOH.

Ani Sueno, inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Budget and Management (DBM), sa pamamagitan ni Secretary to the Cabinet Leoncio B. Evasco Jr., na bigyang prayoridad ang pondo para sa pagpapatayo ng apat na drug rehabilitation centers.

Dalawa sa Luzon, isa sa Visayas, at isa sa Mindanao ang itatayong drug rehabilitation centers.

Sa tantya ni Sueno, aabot sa P674 milyon ang isang center na 500 katao ang kapasidad.

Idiniin ni Sueno na ang planong ito ay kongkretong patunay na ang administrasyong  Duterte ay hindi lamang naghahangad na mamatay ang mga drug addict at drug dealer, kundi iligtas sila sa hindi magandang buhay na idinudulot ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), umabot na sa 116,466 drug suspects ang nagsisuko sa iba’t ibang yunit ng PNP mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 21.

Mayroon namang 3,005 ang inaresto at 213 drug dealers ang namatay nang makipagbarilan sa mga alagad ng batas habang hinuhuli.

Inaasahang dadami pa ito habang patuloy ang kampanya ng PNP laban  sa droga.

You May Also Like