34,000 ABUSADONG KAPITALISTA, KINASUHAN NG SSS

 

BAGO ANG PINUNO: Umaasa ang publiko na ang Social Security System (SSS) ay higit na magiging maka-manggagawa ngayong nasa ilalim ito ng pamumuno ni Dean Amado Valdez.
BAGO ANG PINUNO: Umaasa ang publiko na ang Social Security System (SSS) ay higit na magiging maka-manggagawa ngayong nasa ilalim ito ng pamumuno ni Dean Amado Valdez.

Ni: Marites Toledo

 

HINDI nagdalawang-isip ang Social Security System (SSS) na kasuhan ang 34,000 kapitalista dahil sa patuloy na pagbabalewala nito sa batas ng SSS simula 2010.

Ang paghahain ng kasong kriminal at sibil ay batay sa direktiba ni Dean Amado Valdez, Social Security Commission (SSC) chairman.

Ayon kay Atty. Voltaire Agas, SSS senior vice president at chief legal counsel, simula 2010 ay umabot sa 34,000 ang negosyanteng hindi sumusunod sa SS Law na umabot sa P1.4 Bilyon ang koleksyon.

Nagparating na ang SSS ng demand letters sa kanila, samantalang ang karamihan na patuloy na nagmatigas ay kinasuhan na sa ibat’ ibang korte, banggit ni Agas.

“Hindi kami magdadalawang-isip na habulin at sampahan ng kaso ang mga mapapatunayang lumabag sa batas ng SSS, gaya ng hindi, o kulang sa pagre-report ng kanilang mga empleyado. Gayun din ang hindi, o kulang sa pagbabayad ng mga kontribusyon,” banggit niya.

“Nitong mga nakalipas na taon, naging masigasig ang SSS sa paghabol sa mga delingkwenteng kumpanya at mas paiigtingin pa namin ang kampanya para masigurong sumunod ang mga kumpanya sa batas,” patuloy ng opisyal.

Sa nakalipas na mga taon, umabot sa 41 negosyante ang nahatulan mula 2010 ng iba’t ibang korte dahil sa paglabag sa batas ng SSS.

Umabot sa P61.66 Milyon ang nakolekta ng SSS mula sa nasabing mga delengkuwenteng kapitalista.

TAPAT NA PAGLILINGKOD: Ito ang gustong mangyari ni Dean Amado Valdez sa Social Security System (SSS), Ipinagkatiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Dean Valdez and pamumuno sa Social Security Commission (SSC).
TAPAT NA PAGLILINGKOD: Ito ang gustong mangyari ni Dean Amado Valdez sa Social Security System (SSS). Ipinagkatiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Dean Valdez and pamumuno sa Social Security Commission (SSC), ang pamunuan ng SSS.

Isinapubliko ng ahensya ang kaso ng 34,000 kapitalista upang malaman ng publiko na hangad ng SSS sa ilalim ng pamumuno ni Dean Valdez na higit na paigtingin ang kampanya ng SSS upang mabawasan ng signipekanteng bilang ng mga negosyanteng hindi sumusunod sa batas ng SSS, kundi man tuluyang masawata ang suliraning ito, tugon ni Agas.

Aminado ang SSS na problema pa rin hanggang ngayon ng ahensya ang patuloy na paglabag ng maraming negosyante sa batas ng SSS, ngunit hangad ng kasalukuyang pamunuan ng SSC sa pamumuno ni Dean Valdez na matapos na rin ito sa ngalan ng interes at kapakanan ng mga manggagawa.

Idiin ni Agas na kailangang magamit nang husto ng ahensya ang kapangyarihan na binigay ng SS Act upang pataasin ang koleksyon sa kontribusyon at makapagbigay ng mas mataas na benepisyo at pensyon sa kasapian ng SSS.

Sa ilalim ng batas, ang mga kumpanya na hindi magsusumite ng bilang ng kanilang mga empleyado sa SSS at hindi magbabayad ng kontribusyon ay magmumulta ng P5,000 hanggang P20,000.

Makukulong din sila ng anim hanggang 12 taon, o parehas, depende sa desisyon ng korte.

Magmumulta rin ang mga delingkwenteng kumpanya ng 3% kada buwan hanggang mabayaran ng buo ang utang sa kontribusyon ng mga empleyado at ng mismong kumpanya.

“Ang mga employer na nagkakaltas ng kontribusyon mula sa sahod ng mga empleyado subalit hindi inire-remit sa SSS ay may kasong estafa rin na may parusang pagkakakulong sa ilalim ng Revised Penal Code,” paliwanag ni Agas.

Sa ilalim ng SS Act, kinakailangang iulat ng mga pribadong kumpanya ang mga bagong empleyado nito sa SSS sa loob ng 30 araw mula sa unang araw ng kanilang pagpasok sa kumpanya.

Dapat din tamang halaga ang ihulog na kontribusyon nila sa SSS kasama ambag, o bahagi, ng negosyante bawat buwan.

“Gagawa kami ng mga bagong polisiya at aayusin ang aming monitoring system upang masigurong ang mga employer ay susunod sa kanilang obligasyon sa SSS. Magsilbi sana itong babala sa mga delingkwenteng employer na magsimula na silang magbago at gawin kung ano ang tama,” sabi ni Agas.

Hinikayat din ni Agas ang mga empleyado na maging aktibo sa pagbabantay sa kanilang karapatan at agad na isumbong ang kanilang employer sa SSS kapag hindi nag-ulat ang mga ito sa SSS, kapag naghulog ng mas maliit na kontribusyon dahil mali ang idineklarang sahod ng mga manggagawa, at kung nakaligtaan maghulog ang mga kapitalista ng kontribusyon ng kanilang mga manggagawa nang tamang oras.

“Kinakailangang sumunod ang lahat ng pribadong kumpanya, gaano man ito kalaki o kaliit, sa mga obligasyon sa SSS. Mandato ito ng batas at lahat ay dapat sumunod dito,” diin ng opisyal.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like