3 Labor Officials, pinaghihinalaang nang-aabuso ng mga OFW

SA kabila ng gulo sa ilang bahagi ng gitnang Silangan, nagawa pa diumano ng ilang opisyal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) na samantalahin ang kanilang posisyon sa pamamagitan ng pag-alok sa mga babaeng OFW ng repatriation o pagbalik sa Pilipinas kapalit ang seks.

Nangakong iimbestigahan ni DFA secretary Albert del Rosario ang  tinaguriang “sex-for-fly” modus operandi sa ilang bansa sa Middle east.
Nangakong iimbestigahan ni DFA secretary Albert del Rosario ang
tinaguriang “sex-for-fly” modus operandi sa ilang bansa sa Middle east.

Batay sa mga sources galing mismo sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE), ang nasabing mga opisyal ay nakilala bilang sina Mr. Kim na nakabase sa Damascus, Syria; si Assistant Labor Attache Mario Antonio ng Amman, Jordan; at si Blas Marquez, isang opisyal ng POLO sa bansang Kuwait.

Samantala, ikinalungkot at mariing kinondena ng chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People at Obispo ng Maasin na si Precioso Cantillas ang iskandalong kinasasangkutan ng nasabing mga opisyal.

“Nalulungkot tayo at kinukondena natin ang hindi magandang ginagawa ng kung sinuman, ang mga nag-exploit sa ating mga kababayan. Hirap na hirap na nga sila tapos dadagdagan pa ng masamang gawa. Sila na nga hirap sa buhay, sila pa ang pinahihirapan ng mga opisyal pa ng pamahalaan,” ani Cantillas.

Dagdag pa ng obispo “na hindi sana nai-exploit o naabuso ang mga Filipino sa iba’t-ibang panig ng mundo kung hindi laganap ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa Pilipinas.”

Sa kabila nito nagpahayag naman ng tiwala si Cantillas na magkaroon ng resulta ang gagawing imbestigasyon ng DFA upang maparusahan ang mga opisyal na nasa likod ng pang-aabuso sa mga kababayan nating OFW.

Ipinahayag ng sekretarya ng DFA na si Albert Del Rosario na sa ngayon maituturing na ‘sabi-sabi’ ang isyu patungkol sa ‘sex for fly’ sa kadahilanang wala diumanong nakarinig ng naturang isyu sa opisina o tanggapan ng mga nasasangkot na ahensya.
Sinabi din ni Del Rosario na nagbibigay ang gobyerno ng libreng biyahe pauwi sa ating mga OFW at hindi ito dahilan upang maabuso ang ilan na naghihintay ng kanilang pag-uwi sa ilang mga shelter na itinalaga para sa mga OFW.

Diin naman ni Del Rosario na hiniling na ng pamunuan ng DFA ang mga inaakusahan na umuwi at magpaliwanag.
Dagdag pa ni Del Rosario, pamumunuan niya mismo ang pagsisiyasat at sisiguraduhin din nito ang pagkalap ng tamang impormasyon hinggil sa isyu.

Matatandaan nito lamang pagbubukas ng Hunyo, nanawagan ang grupong Migrante kay Pangulong Benigno Aquino III upang pabilisin ang pag-uwi ng mga OFW na nananatiling stranded sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan.

Ani Migrante chairperson Garry Martinez, “Sa bawat araw na walang aksyon ang gobyerno ng Pilipinas ay nangangahulugang buhay o kamatayan sa ating mga OFW.”

Tinatayang may halos 63.1 porsyento ng kabuuang 2.2 milyon na OFW ay kababaihan na may edad 15 hanggang 34 at nanatili sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang makipagsapalaran sanhi ng ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas.

You May Also Like