28 Palengkeng Lumabag sa mga Batas, Hinayaan ni Bistek

 

Mayor HERBERT "BISTEK" BAUTISTA
Mayor HERBERT “BISTEK” BAUTISTA

Ni: Joel O. Amongo

 

NGAYON lang binigyan ng pansin ni Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista ang tatlumpong pribadong palengkeng aniya’y matagal nang lumalabag sa iba’t ibang batas.

Si Bautista na kasapi ng Liberal Party (LP) ay nasa ikatlo at huling termino ngayong 2016 hanggang 2019.

Idiniin ni Bautista na binalaan na niya nitong Biyernes ang mga may-ari at namamahala ng 28 palengke na ipasasara ang mga ito kung hindi nila makukumpleto ang mga kailangang rekesito sa negosyong palengke na hinihingi ng maraming batas.

Napag-alaman ng Tapatnews.com na hindi umiikot at nag-iinspeksiyon si Bautista sa mga palengke ng lungsod simula ng maging alkalde ito noong Hunyo 2010.

Ayon kay Ares Gutierrez, hepe ng Quezon City Public Affairs (PAISO), dalawa pa lamang sa 30 palengke ang nakakumpleto ng mga rekesito.

Kaya, 28 pa ang hinahabol ng pamahalaang lungsod.

Sa rekord ng Market Development and Administration Department (MDAD), ang mga pribadong palengke ay lumabag sa mga batas na may kinalaman sa Building Code, Sanitation Laws, Environmental Laws, at Zoning Standards ng pamahalaang lokal.

Inamin ni Noel Soliven, hepe ng MDAD, na karamihan kundi man lahat ng mga palengke sa Quezon City ay marumi at wala sa tamang pamantayan ng pagnenegosyo ng palengke.

Ngunit, hindi maipaliwanag ni Soliven kung bakit ganyan ang problema.

Siyempre, hindi inamin ni Soliven kung mayroon siyang pagkakamali, o wala.

Ang MDAD ay nag-inspeksiyon sa mga palengke ay noong Pebrero at Agosto ng kasalukuyang taon.

Upang patunayang sa pagkakataong ito na seryoso si Bautista, pinalagda niya ang mga may-ari at administrador ng mga palengke na susundin nila ang lahat ng batas, alituntunin, at maging ang Quezon City Market Code sa pagnenegosyo ng palengke.

Kung hindi pa sila tatalima, tiniyak ni Bautista na ipapasara na niya ang mga nasabing palengke.

Idiniin ni Bautista na kaya niya ginagawa ito ngayon ay upang mapagbuti pa nilang ang pagmimintina ng palengke.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like