$25 OFWs fee sa OWWA, ipinaaalis ng OFW group

MANILA – HANGAD ng isang orgnisasyon ng overseas Filipino workers (OFWs) na matanggal na ang patakaran ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nag-uobliga sa mga manggagawa na maghahanap-buhay sa ibang bansa na magbayad ng $25 kontribusyon sa nasabing ahensiya.

Naniniwala ang Migrante International na hindi napapakinabangan ng OFWs ang kontribusyong $25, kaya dapat mawala na raw ito sa administrasyong Duterte.

Ang $25 ay isa lamang sa mga pinagkakagastusan ng OFWs.

Ang isa pa ay ang P550 airport terminal fee na nagsimula nitong Pebrero ng taong kasalukuyan.

Ayon sa Republic Act No. 8042, hindi dapat kasama ang OFW sa mga magbabayad ng P550 kapag aalis ng Pilipinas.

Ngunit, naglabas ng Memorandum Circular No. 8 ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) upang magbayad din ang OFWs ng P550.

Matagal nang patakaran ng OWWA na ang bawat Pilipino na magtatrabaho sa ibang bansa ay magbabayad ng $25 sa nasabing ahensya.

Ang nasabing pondo ay ginagamit ng OWWA upang magbigay naman ng kaukulang serbisyo sa OFWs.

Isang beses lang nagbabayad ang OFWs sa OWWA.

Idiniin ng Migrante na ang nabanggit na pondo ay winawaldas lamang ng mga namumuno sa OWWA.

Ang isang nagging matunog na isyu sa naturang pondo ay ginamit umano ang P530 milyon OWWA funds ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa eleksiyon.

Ibinasura ng Office of the Ombudsman  ang kasong korapsyon at pandarambong laban kay Gng. Arroyo dahil walang matibay na ebidensiy ang magpapatunay na ginamit sa halalan ang P530 milyon.

Kinatigan naman ito ng Korte Suprema.

Pinaniniwalaang napakalaki ng OWWA funds sa kasalukuyan dahil umabot sa 5,054 manggagawang Pilipino ang umaalis ng bansa kada araw noong 2014.

Dinaig nito ang 4,018 na umaalis na manggagawang Pilipino kada araw noong 2010.

Nangangahulugan lamang na mataas ang antas ng exportasyon ng lakas paggawa ng administrasyong Aquino kung ihahambing sa mga nakalipas na administrasyon.

Ang patakarang exportasyon ng lakas-paggawa sa ibang bansa ng pamahalaan ay nagsimula noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Isa ito sa mga solusyon ng pamahalaan noon upang mabawasan ang bilang ng mga Pilipino nawalang hanap-buhay.

Umaasa ang Migrante International na matatanggal na ang $25 kontribusyon ng OFWs sa OWWA kung nasa puwesto na ang administrasyong Duterte. (Tapat)

You May Also Like