22 Hepe sa PNP – Lambak ng Cagayan tanggal sa puwesto

 

Ni: Marites Badilla

 

 

TANGGAL sa posisyon kapag walang nagawa ang pulis sa kampanya laban sa iligal na droga.

Dalawampu’t dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Cagayan Valley (Region 2) ang sinibak, dahil wala pang nagagawa sa kampanya laban sa bawal na gamot, ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng PNP, sa Camp Crame.

Ang paghuli, pagpapasuko, at pagpatay kung lumaban ang suspek sa ipinagbabawal na gamot ang pangunahing trabaho ng PNP sa loob ng anim na buwan.

Ito ay nakabatay sa target ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang target ng PNP na masawat ang iligal na droga sa Pilipinas sa loob ng anim na buwan ay implementasyon ng pangako ni Duterte sa mga botante 90-araw bago maghalalan noong Mayo 9.

Ayon sa ulat ni Chief Supt. Gilbert Sosa, umaaktong hepe ng PNP – Region 2, kay Dela Rosa, tinanggal sa kani-kanilang puwesto ang 22 opisyal dahil palpak sila sa kanilang trabaho alinsunod sa “performance audit and evaluation” sa proyektong “Double Barrel” ng PNP.

Ang mga tinanggal niyong Martes ay sina Supt. Manuela Bringas ng Ilagan City at Supt. Engelbert Soriano ng Cauayan City.

Ang mga inalis sa puwesto nitong Miyerkules ay sina:

  • Senior Insp. Prospero Agonoy ng Quirino;
  • Senior Insp. Ben Bumanglag ng Delfin Albano;
  • Senior Insp. Jonathan Binayug ng Palanan;
  • Senior Inps. Aladin Revocal ng San Pablo;
  • Senior Insp. Ignacio Layugan ng Dinapigue;
  • Senior Insp. Richard Limbo ng Divilacan;
  • Senior Insp. Edgardo Esteban ng Maconacon;
  • Senior Insp. Ruby Capinpin ng Roxas;
  • Chief Insp. Pilarito Malillin ng San Mateo;
  • Chief Insp. Mario Fajardo ng Luna;
  • Chief Insp. Alvin Mabazza ng Alcala;
  • Senior Insp. Antonio Palattao ng Allacapan;
  • Senior Insp. Eugenio Catubag ng Rizal;
  • Senior Insp. Ronald Balod ng Santa Praxedes;
  • Senior Insp. Mario Maraggun ng Calayan;
  • Senior Insp. Christopher Danao ng Buguey;
  • Chief Insp. Larry Pinkihan ng Kasibu;
  • Chief Insp. Joeffrey Bulong ng Ambaguio;
  • Senior Insp. Rudil Bassit ng Kayapa;
  • Senior Insp. Alex Orbillo ng Nagtipunan.

Inaasahang ang mga ipinalit sa kanila ay magiging masigasig sa paggampan ng trabaho, banggit ni Sosa.

Batay sa rekord ng PNP – Lambak ng Cagayan, 6 na tulak ng iligal na droga at isang adik ang napapatay pa lamang nila sa lehitimong operasyon laban sa droga simula noong Hulyo 1.

Sa kabuuang dinalaw/kinatok na 147,033 bahay, umabot sa 16,662 adik at 1,611 tulak ng droga ang mga sumuko sa PNP simula Hulyo 1.

Sa parehong listahan, 234 tulak at 97 adik kinasuhan sa piskalya at korte.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like