2013 Le Tour de Filipinas aarangkada sa Abril 13

story 6- cycling

Aarangkada sa Abril 13 ang 2013 Le Tour de Filipinas, ang pinakaprestihiyosong karera ng bisikleta sa bansa.

Tampok sa karerang may basbas ng International Cycling Union ang dalawang continental teams ng bansa na 7-Eleven-Roadbike at LBC-MVPSF Cycling Pilipinas, mga local clubs na  Navy-Standard Insurance, Navy-Marines at LPGMA-American Vinyl at ang pambansang koponan ng PhilCycling.

Makasasagupa ng mga ito ang walong continental teams mula ibang bansa at sampung iba pang foreign teams na tiyak na magbibigay ng matinding hamon sa mga Pinoy lalung-lalo na sa nagdedepensang individual champion na si Baler Ravina na kasapi ng 7-Eleven-Roadbike team.

Ang apat na araw na karerang ito na inorganisa ng Dynamic Outsource Solutions Inc. ay may kabuuang distansiyang 608.20 kilometro.

Magsisimula ito sa Bangui, Ilocos Norte sa Abril 13 at magtatapos sa Baguio City sa Abril 16.

Tulad noong isang taon kung saan sa huling leg ng karera humataw si Ravina ay sa akyatan muli niyang balak pataubin ang kanyang mga katunggali. Aniya, kabisado na niya ang matarik at nakakahilong daan papuntang Baguio City at gagamitin niya itong muli para biguin ang mga dayuhang siklista.

Gayunman, hindi pa rin nakasisiguro ng panalo si Ravina dahil tiyak na magiging markado na siya sa karerang ito at pinag-aralan na rin ng mga dayuhang karerista ang mga zig-zag road ng Cordillera.

Gayunman, kampante pa rin si Ravina na mapananatili niya ang kampeonato sa tulong ng kanyang mga kakampi.

Ang mga foreign continental teams na darating ay galing sa Ireland, Taiwan, Singapore, Iran, Uzbekistan, Azerbaijan, Malaysia at Portugal. May mga koponan ding kasali mula Iran, Hong Kong, Mongolia, Japan, Australia, Korea, United Arab Emirates, Brunei, Germany at The Netherlands.

Ang unang stage na babagtasin ng 130 siklista ay magsisimula sa Bangui at magtatapos  sa Aparri, Cagayan na may layong  175.5 kilometro.  Susundan ito ng isang 196-km race patungong Cauayan, Isabela. Ang Stage 3 ay isang 104-km race sa patag na daan patungong Nueva Vizcaya at ang huling yugto ay paakyat ng Baguio City na may layong 133.5 km.

You May Also Like