20 Tulak ng Shabu, Todas sa Manila; 19 sa QC

 

Ni: Bernard Badilla-Toledo

SA loob lamang ng isang linggo ay 20 tulak ng shabu ang namatay sa pakikipagbarilan sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD), samantalang 19 naman sa Quezon City sa loob ng dalawang linggo.

Natuwa naman si Mayor Joseph Estrada dahil nauwi ito sa pagbaba ng krimen sa Maynila, ang kabisera ng Pilipinas.

Ayon naman sa district director ng Quezon City Police District (QCPD) na si Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang 19 drug dealer na namatay ay resulta ng lehitimong operasyon ng iba’t ibang estasyon ng pulisya sa Quezon City.

Dalawa sa 19 tulak ng shabu ay pulis na nakilalang sina PO3 Elito Obligacion at PO2 Ariel Arnaiz.

Si Obligacion ay AWOL na pulis ng Marikina City, samantalang si Arnaiz ay nakadestino sa Caloocan City na AWOL din.

Si Obligacion ay namatay kamakalawa ng hating gabi, samantalang si Araniz ay nitong Lunes ng umaga.

Sina Obligacion at Arnaiz ay mga kilalang notoryus na tulak ng shabu sa Quezon City.

Bukod sa 19 na patay, umabot naman sa 336 ang naarestong tulak ng shabu at adik.

Sinampahan na sila ng kasong paglabag sa Anti-Illegal Drug Comprehensive Law of 2002 sa piskalya.

Higit 3,500 naman ang mga sumukong tulak ng shabu at adik sa Quezon City simula nitong Hulyo 1 hanggang ngayong Hulyo 15.

 

 

Ani Eleazar, ang lahat ng nagawa ng QCPD ay bahagi ng “Project Double Barrel” laban sa iligal na droga.

Ang ibig sabihin nito, dalawa ang bibirahin sa kampanya: ang big-time rug lord at small-time.

Idiniin ni Eleazar na tinatahak ng QCPD ang tamang landas upang tuluyang masawata ang talamak na operasyon ng droga.

Ani Eleazar, nagagalak siya sa malawak na suporta ng pamayanan hinggil sa kampanya ng pamahalaang Duterte laban sa droga.

Inaasahan ni Eleazar na magtutuloy-tuloy ang tagumpay ng QCPD sa kampanyang ito.

Ganoon din ang punto ni Senior Supt. Joel Colonel na walang humpay din ang kampanya ng MPD na kanyang pinamumunuan laban iligal na gamot.

Ani Colonel, hindi titigil ang MPD hanggang hindi tuluyang nareresolbahan ang malalim na suliranin ng droga sa Maynila.

 

You May Also Like