2 Unyonista, Hindi Nanirang Puri—Korte

 

Ni: Marites Badilla

 

NAGBUNYI ang pamunuan at kasapian ng Federation of Free Workers (FFW) makaraang pawalan ng sala ng korte ang dalawang kasapi ng kanilang samahan sa kasong paninirang puri, o libelo.

Sa desisyon ni Judge Emmanuel Carpio ng Regional Trial Court, Branch 15, ng Davao City, idiniin niyang hindi napatunayan ng prosekyusyon na mayroong malisya ang ginawa nina Jocelyn Nono at Rosalinda Jumamil laban sa isang  opisyal ng kumpanyang kanilang pinapasukan.

Natuwa sina Nono at Jumamil sa pasya ni Carpio.

Ipinagmalaki naman ng FFW na pinamumunuan ni Atty. Jose Sonny Matula ang desisyon, sapagkat malinaw na tagumpay ito ng mga manggagawa laban sa mga kapitalista.

Idiniin ni Carpio na mahalaga sa kasong paninirang puri na mayroong malisya sa bahagi ng akusado.

Kung wala ito, tulad ng kasong isinampa sa dalawang unyonista, walang nagawang krimen ang mga akusado.

Ang kaso ay isinampa laban kina Nono Jumamil noong 2011.

Batay sa rekord ng korte, nag-ugat ang kaso ng dalawa sa piket na inilunsad ng mga manggagawa sa Holy Cross Printing Press Employees Union-FFW noong Agosto 2011 kung saan inanyayahan sina Nono at Jumamil na makiisa at lumahok sa protesta.

Si Nono ay dating pangulo ng unyon ng mga manggagawa sa Holy Cross at coordinator ng FFW sa Southern Mindanao.

Si Jumamil naman opisyal din ng unyon.

Ang mga unyonista ay nagsabit ng tarpaulin na may nakasulat na “stop union union busting”, “stop unfair labor practice act” at “berdugo karon sa mga empleyado” (operation and human resource manager ng Holy Cross).

Ayon sa rekord ng korte, nakita umano ng mga testigo na sina Nono at Jumamil ang humawak ng mga tarpaulin na may nakasulat na mapanirang mga pahayag.

Ngunit, iginiit ng dalawa na inayos lang nila ang mga tarpaulin dahil malalaglag na ang mga ito mula sa kanilang pinagsabitan dulot ng malakas na hangin.

Nakumbinsi si Carpio sa mga pahayag ng dalawa, kaya sila ay pinawalang sala niya nitong Huwebes.

Idiniin ni Carpio na kapag sinabing mayroong malisya sa kasong paninirang puri  kung ang intensiyon ng mga akusado ay sirain ang nagsampa ng kaso.

Ang intensiyon ay kakikitaan na may galit ang akusado laban sa naghain ng kaso, paliwanag ni Carpio.

Kung walang planong sadyang manira, samakatuwid walang nagawang krimen na paninirang puri, siyang punto ng desisyon ni Carpio sa kaso.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like