2 suspendidong mining firms, ok na uli?

Ni: Belle Orlina

POSIBLENG bumalik ang operasyon ng dalawang mining firms kung susundin lamang ang mga kondisyong inilatag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nabatid ng Tapat News online.

Ayon kay Mines and Geosciences Bureau (MGB) Director Leo Jasareno, maaaring makabalik sa lalong madaling panahon ang  Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC) at Benguetcorp Nickel Mines, Inc. (BNMI) na parehong matatagpuan sa Zambales, kung aayusin lamang ng dalawang kumpanya ang kanilang operasyon alinsunod sa itinakda ng batas na nagbibigay proteksiyon sa kapaligiran, kalikasan, at pampublikong kalusugan.

Idiniin ni Jasareno na hindi dapat lumalabag ang mga mining firm sa mga batas pangkalikasan at pangkapaligiran kung nagnenegosyo ang mga ito tungkol sa mina dito sa Pilipinas.

Matatandaang sinuspinde ng DENR ang ZDMC at BNMI nitong Hulyo 7 dahil sa mga paglabag ‘di umano ng mga ito sa iba’t ibang “environmental crimes, violations of the mining and environmental laws, and complaints of various groups against the alleged environmental impacts” ng kanilang operasyon.

 

 

Nakasaad sa desisyon ni DENR Region 3 Director Francisco E. Milla, Jr. na sinisiguro ng suspensiyon ang hindi pagkakakompromiso ng kalikasan, partikular na ang mga pamayanan, bukirin, at kapaligiran.

Nakapaloob din sa parehong desisyon na kinakailangang tumupad ang ZDMC at BNMI sa mga nabanggit na kundisyon tulad ng pagbibigay-pansin sa mga isyung may kinalaman sa pagpuputol ng mga puno at iba pang katulad na operasyon.

Kasama rin ang pag-aayos ng kalsadang ginamit sa pagmimina, ang pagrerehabilita ng mga open area, at ng buong deposito sa pinal na rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

Umaasa ang DENR at MGB na tutupad ang ZDMC at BNMI sa mga kundisyong hiningi ng dalawang ahensiya ng pamahalaan upang makabalik ang dalawang kumpanya sa industriya ng pagmimina.

 

You May Also Like