2 pulis Mindanao huwaran

good news

CELEBRITY ngayong maituturing ang dalawang bagitong pulis matapos na magpakita ng katapangan at pagkalinga sa kapwa bilang mabuting halimbawa ng kapulisan sa bansa.

Ang 28-anyos na si PO1 Armecin ay nakipaglaban sa 15 miyembro ng NPA na lumusob sa kanilang COMPAC area sa T’boli South Cotabato nitong nakalipas na March 20, na nagkataong nag-iisa lamang at kumakain pa nang pasukin at paputukan ng mga NPA.

Gamit ng mga NPA ay mga AK 47, habang gamit lamang ni Armecin ang isang kalibre 45 na baril na may 14 bala, at mapalad ang bagitong pulis na napatay pa nito ang isa at nasugatan ang isa pang NPA, dahilan upang tuluyang umatras ang mga ito.

“Laking pasalamat ko po na nagseryoso ako noong panahon ng aming training kaya nagamit ko po ito at ‘di ako natakot na nakipagbarilan sa mga NPA, dala na din sa pagtupad ng aking tungkulin,” pahayag ni PO1 Armecin na hindi man lamang nagalusan sa engkwentro.

Nagpakita naman ng kawanggawa sa kapwa ang 25-anyos na si PO1 Jessie Mallari na nagkataong nagtapos bilang isang nars bago pumasok sa pagkapulis kung saan ginamot nito ang isang matandang pulubi na ayaw magpatala sa ospital noong araw ng pagkabuhay o Easter Sunday sa harap ng cathedral sa lalawigan ng Davao.

“Kahit sino naman po, kahit ‘di pulis gagawin din ang ginawa kong pagtulong kay Lolo dahil sa sitwasyon po niya na dumudugo ang ulo,” ang pahayag naman ni PO1 Mallari, na ngayon ay sikat sa social site na Facebook matapos na makunan ng isang mamamahayag sa kanyang ginawa.

Mismong si Philippine National Police (PNP) Chief General Alan Purisima ang siyang nagprisinta sa mga mamamahayag sa Camp Crame kina PO1 Roel Armecin ng T’boli ng South Cotabato at PO1 Jessie Mallari ng San Pedro Police Station sa Davao City.

 

*may good news ka ba??? Maraming nangyayaring positibo araw-araw–kailangan lang namin marinig mula sa inyo upang maibalita sa iba. Ikwento niyo sa amin ang mga good news na nakikita at naririnig niyo sa paligid! Mag-email lang sa tapat@areopaguscommunications.com at ilagay ang  “Good News” bilang subject. Salamat po!

You May Also Like