2 minahan sa silangang Samar suspendido

 

 

Nina: Edward Mico Joseph Agustin at Marites Badilla
 
DALAWA pang operasyon ng mining firms ang ipinatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil nalason na ang ilog sa Silangang Samar.
 
Ang mga ipinasuspinde ni DENR Sec. Regina Lopez ay ang
nagmimina ng chromite na Mt. Sinai at nagmimina ng nickel na Emir Mineral Resources Corp.
 
Dahil dito, 10 na ang kabuuang napatigil na operasyon ng pagmimina sa bansa simula noong Hulyo 1.
 
Idiniin ni Lopez na hindi sumusunod ang Mt. Sinai at Emir sa batas at pamantayan sa pagmimina.
 
Sinisira ng dalawa ang mga ilog sa Silangang Samar na posibleng makaapekto sa kalusugan ng mga residente, lalo na iyong naninirahan malapit sa operasyon ng dalawang kumpanya, patuloy ng kalihim.
 
Dahil dito, 30 na lamang ang kumpanyang nagmimina sa kasalukuyan.
 
Patuloy pa rin ang DENR sa ebalwasyong isinasagawa nito upang makita kung sumusunod sa batas at pamantayan ang natitirang 30 mining companies.

You May Also Like