16 taon ang lumipas bago napatunayan ng Sandiganbayan kung sino ang korap

 

 

 Ni: Joel O. Amongo
 
UMABOT ng 16-na-taon matapos gawin ang korapsyon, bago napatunayan ng Sandiganbayan ang krimeng nagawa ng isang supplier ng produktong kailangan ng pamahalaang lokal ng Paranaque City at kasabwat nitong opisyal ng nasabing lokal na gobyerno.
 
Ayon sa desisyon ng Sandiganbayan, minimum na anim na taon hanggang sa maksimum na 10 taon maaaring makulong ang supplier ng dalawang yunit ng compost garbage at recycling equipment na hindi naideliber noong 2000 at ang isang opisyal ng pamahalaang lokal ng Parangaque ma kasabwat sa krimen.
 
Sina Ricardo Adriano, may-ari ng Julia Enterprises and General Merchandise at Felia Cuanan, dating OIC-General Services Office ng Paranaque City ay tahasang lumabag sa Seksiyon 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, banggit ng Sandiganbayan.
 
Napatunayan ng Sandiganbayan na noong  Disyembre 2000, ang pamahalaan ng Paranaque City ay bumili ng 14 na yunit ng compost garbage at recycling equipment na ipinamahagi sa mga barangay ng nasabing siyudad.
 
Ngunit, nang saliksikin ng Commission on Audit (COA), lumitaw na ang dalawang yunit ng garbage equipment ay hindi nai-deliber sa Barangay Marcelo Green.
 
Ang punong barangay ang nagpatunay nito sa Sandiganbayan.
 
Kahit hindi naipadala ang mga produkto, tumanggap pa rin ng bayad si Adriano na umabot sa P861,600.
 
Kasabwat ni Adriano si Cuanan sa naganap na krimen, tugon ng Sandiganbayan.
 
Idiniin ng Sandiganbayan na “the evidence is replete on record to grip (Adriano) criminal liability as there is evidence to prove conspiracy between Ofelia Cuanan and the accused.”
 
Sabi ng Sandiganbayan, nagkaroon ng sabwatan sina Adriano at Cuanan, kaya hindi naideliber ang dalawang gamit na kailangan ng Paranaque City.

You May Also Like