158 katao mistulang pinatawan ng parusang kamatayan

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
MISTULANG pinatawan ng parusang kamatayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 158 judge, mga halal na opisyal ng pamahalaan, heneral sa Armed Forces of the Philippines (AFP), mga opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP) nang isangkot sila sa iligal na droga nitong Linggo.
 
Idiniin ni Senadora Leila de Lima na ang pagbubunyag ni Duterte sa mga taong sangkot umano sa bentahan ng iligal na shabu, o protektor ng sindikato ng bawal na gamot ay “katulad sa parusang kamatayan dahil may kasamang hamon na ikaw ay sumuko, o humarap ka sa iyong mga pinuno sa loob ng 24 na oras.”
 
Mayroon pang kasama ang direktiba ni Duterte na “shoot to kill, o shoot on sight kung sila ay lalaban,” saad pa ng bagitong senadora, kaya mukhang “death sentence.”
 
“So, nakalulungkot po,” patuloy ni De Lima.
 
Nitong Linggo, ibinalita ng Tapat News online at bi-monthly newspaper ang isiniwalat ni Duterte na 158 katao na nakapuwesto sa korte, Kongreso, mga alkalde at dating alkalde, bise-alkalde, heneral sa AFP, mga opisyal at kasapi ng PNP.
  
Sinabi pa ng Pangulo na dapat magreport sa loob ng 24 oras sa kanilang mga punong tanggapan ang mga kasama sa listahan ni Duterte.
 
Mayroong mga nagsipagsuko at mayroong tahasang tumanggi.
 
Ang problema, may ilang nabunyag na matagal nang patay tulad ni Judge Roberto Natividad ng Branch 32 ng Regional Trial Court ng Calbayog City na noon pang Enero 2008 namatay.
 
Ang 69-taong-gulang na Natividad ay pinagbabaril habang nasa loob ng kanyang kotse.
 
Ang iba pang judge na ikinanal ni Duterte ay kailanman hindi humawak ng kaso na may kinalaman sa droga, o sindikato ng droga, ayon kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
  
Idiniin ni De Lima na isang abogado tulad ni Duterte na dapat ay idaan sa tamang proseso ang mga sangkot sa droga.
 
Aniya, dapat kilalanin ng Pangulo ang mga sagradong probisyon ng Bill of Rights na nakasaad sa Saligang-Batas ng bansa.
 
Idiniin ni De Lima, ang kinang ng kampanya kontra droga ni Duterte ay lumilitaw na pangwawalanghiya sa mga karapatang pantao dahil sa marahas na aksiyon ng Pangulo.
Sa madaling salita, ang gustong mangyari ni De Lima ay kasuhan sa korte ang mga sangkot hanggang magpasya ang judge.

You May Also Like