1,500 manggagawang-bukid nawalan ng trabaho dahil sa NPA

 

 

Ni: Marites Badilla
 
UMABOT sa 1,500 manggagawang-bukid ang nawalan ng trabaho nang mapilitang tumigil ang operasyon ng plantasyon ng saging sa Surigao del Sur dahil sa sunud-sunod na atake ng New People’s Army (NPA).
 
Sabi sa media ni Steve Antig, executive director ng Pilipino Banana Growers and Exporters Association, namimilit at nananakot ang NPA upang bigyan sila ng “revolutionary tax” ng Dole-Stanfilco, multinasyonal na kumpanya ng saging na may plantasyon sa Tagbina, Surigao del Sur.
 
Ani Antig, umabot sa kabuuang 19 na trak ang pinasabog ng NPA nitong nakalipas na linggo, kaya napilitang magsara ang Dole-Stanfilco.
 
Sa datos ngg Dole-Stanfilco, mahigit sa P20 Milyon na ang nawawala sa kumpanya simula noong 2010 dahil sa walang patid na panggugulo at pananakot ng armadong komunista makakolekta lamang ng revolutionary tax.
 
Hindi binanggit ni Antig kung magkano ang buwis na sinisingil ng NPA.
 
Ngunit, sa pagkakaalam ng Tapat News online at bi-monthly newspaper, napakalaking halaga ang buwis na hinihingi ng NPA.
  
Aniya, ang kontra-negosyong gawaing ito ng NPA ay malaking balakid sa pag-unlad at pag-angat ng ekonomiya sa Surigao del Sur.
 
Nasisira rin ang kinikita ng mga manggagawang-bukid dahil nawawalan sila ng trabaho bunga ng pagsasara ng kumpanya.
 
Sa ginagawang panggulo at pananakot ng NPA ay nagdududa tuloy si Antig kung naglilinggkod talaga sa masang Pilipino ang naturang armadong yunit ng Communist Party of the Philippines (CPP), o isa na itong sindikato na nanghihingi ng pera kapalit ng proteksyong ibibigay nila sa mga negosyante.
   
Umaasa ang  Pilipino Banana Growers and Exporters Association na mapapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NPA sa masama nitong gawain laban sa mga negosyante at manggagawang-bukid.
 
Ang NPA na itinatag noong 1969 ay malakas na lamang ngayon sa ilang lalawigan sa Miindanao, ayon sa intelligence report ng Armed Forces of the  Philippines (AFP).
 
Mahinang-mahina na ang puwersa nito sa Visayas at Luzon, lalo na sa Gitnang Luzon kung saan ito nagsimula 47 taon na ang nakalipas.

You May Also Like