15% VAT, Hindi Wasto—Belmonte

Kumbinsidong-kumbinsido si Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. na hindi makatwiran na itaas ang value-added-tax sa 15% mula sa kasalukuyang 12%, sapagkat ang kawawa rito ay ang ordinaryong mamamayang Pilipino.

Sabi ni Belmonte sa media na dapat mag-isip ng ibang paraan kung paano lalaki ang pondo ng pamahalaan maliban sa itaas ang VAT.

Ang pahayag ng mambabatas mulang Distrito 4 ng Quezon City ay may kaugnayan sa mungkahi nina incoming Budget Sec. Benjamin Diokno at incoming Finance Sec. Carlos “Sony” Dominguez.

Kamakailan, pinalutang ng dalawa, sa magkahiwalay na araw, ang anila’y pangangailangang itaas ang VAT sa 15% mula sa kasalukuyang 12%, sapagkat kailangang lumaki ang pondo ng pamahalaan.

Ang pondo ay gagamitin sa mga proyekto ng administrasyong Duterte.

Tiniyak ni Belmonte na haharangin niya sa Kamara del Representantes kung matuloy ang panukala.

Si Belmonte ay pinaniniwalang magiging minority floor leader kung lalabanan niya sa pagka-speaker si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ng PDP-Laban.

Si Alvarez ang pinili ni incoming Pres. Rodrigo Duterte na dapat maging speaker o pinuno ng Kamara at hindi si Belmonte.

Walang pakialam si Belmonte kahit na ang Liberal Party (LP) ay nakipag-alyansa sa PDP-Laban upang isulong ang legislative agenda ng administrasyong Duterte.

Ang mahalaga kay Belmonte ay ang kapakanan ng ordinaryong mamamayan.

Ang pagbabago sa anumang patakaran sa buwis ay kailangang magpasa ng panukalang batas ang Kongreso at aprubahan ito ng Pangulo bago maganap ang pagbabago sa sistema ng pamumuwis sa bansa.

Ani Belmonte, kung tutuusin dapat ngang baguhin na ang taxation system ng bansa at hindi dagdagan pa ang VAT.

Idiniin niya na kawawa ang mamamayan sapagkat “ipapasa” lamang ng mga negosyante ang 15% VAT sa mga mamimili, kaya lalong mababawasan ang kakarampot nang kita ng mamamayan.

Ang 12% VAT ay naging batas noong panahon ng administrasyong Arroyo.

Si Senador Ralph Recto ang ‘utak’ ng VAT. (Bernard Badilla-Toledo)

You May Also Like