14% dagdag VAT, dagdag pahirap sa mahihirap

 

 

 Ni: Marites Badilla
 
MALING-MALI ang mungkahing gawing 14% ang kasalukuyang 12% na value-added-tax o VAT, sapagkat mababawasan lamang ang kakarampot nang sahod ng ordinaryong mamamayan.
 
Iginiit ito ni Senador Sonny Angara, chairman ng Ways and Means Committee ng Senado, dahil kumbinsido siyang hindi ang 14% VAT ang solusyon sa mababawasang kita ng pamahalaan kung sakaling matuloy ang exemption sa buwis ng mga manggagawang sumasahod ng P30,000 pababa kada buwan.
   
Sa kasalukuyan, 12% ang VAT sa maraming produkto.
 
Idiniin ni Angara na ang “VAT ay dagdag pahirap lamang sa ordinaryong mamamayan. Ang VAT ay buwis na ipinapasa ng mga negosyante at korporasyon sa mga mamimili.”
 
Naipapasa ang VAT sa mga produkto, o serbisyong inaalok ng mga negosyante at korporasyon, kaya mamimili pa rin ang umaako ng buwis na ipinataw sa mga produkto at serbisyo ng mga negosyante.
 
“Kapag tumaas pa ang VAT ng dalawang porsiyento, papatayin na nito ang layunin ng administrasyon na maging inclusive growth ang pag-unlad ng ekonomiya, sapagkat kapag itinaas pa ang VAT mula sa 12% patungong 14% ay dinadagdagan mo ang gastusin ng mga ordinaryong mamamayan,” paliwanag ni Angara.
 
Para sa pamahalaan, mas mainam na paghusayin ang pangungolekta ng buwis upang mapalitan ang buwis na mawawala kapag natuloy na ang pagpapalawig ng bilang ng mga manggagawang makararanas ng tax exemption, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez 3rd.
 
Malaki ang nawawalang pera sa pamahalaan dahil sa palpak na koleksyon ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC), at iba pang ahensiya ng pamahalaan na pinagkukunan ng kita ng pamahalaan.
 
Noong 2010, tumaas sa 12% ang 10% VAT nang maging ganap na batas ang panukalang umento sa VAT ni Senador Ralph Recto.
 
Dahil sa 12% VAT, higit P250 Bilyon ang nakulektang buwis mula sa VAT noong 2006, ngunit umabot lamang ng higit P100 Bilyon noong 2009.
 
Ibig sabihin, hindi pare-parehong mataas ang koleksiyon ng buwis mula sa 12% VAT bawat taon.
 
Ang 12% VAT ng Pilipinas ay siya nang pinakamalaki sa South East Asia.
 
Ang problema kung bakit hindi konsistent ang magandang koleksiyon ng buwis ay dahil sa palpak na pamamahala sa pangungolekta ng buwis, hindi wastong deklarasyon ng mga negosyante sa kanilang benta, at hindi pag-iisyu ng resibo sa mamimili, ayon sa pag-aaral ng National Tax Research Center (NTRC).
 
Kasama rin dyan ang malawak na bilang ng mga taong pasok sa informal economy.
 
Sa informal economy, ang mga negosyo ay hindi rehistrado sa pamahalaan, kaya hindi kasama sa bilang ang buwis na ipinapatong sa kanilang mga paninda.

You May Also Like