12,500 ‘Narco-Police’

 

NAKAKAALARMA ang ulat ng ikalawang pinuno ng Philippine National Police (PNP) na si Deputy Director General Benjamin Magalong kamakailan sa Kamara del Representantes na nasa 12,500 pulis ang iniimbestigahan ng pamunuan ng PNP dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga, kundi man protektor ng sindikato ng droga ‘ninja’ (ninanakaw ang nakumpiskang shabu mula saa mga drug dealer at pagkatapos ay ibinebenta uli sa mga adik upang kumite ng mas malaki), o di kaya ay gumagamit ng bawal na gamot.

Kung hahatiin sa labingpitong rehiyon, 735 na mga pulis bawat rehiyon ang sangkot sa iligal na droga.

Hindi pa kasali sa 12,500 sina Director Joel Pagdilao, Chief Supt. Edgardo Tinio, at Chief Supt. Bernardo Diaz na iniimbestigahan na ng National Police Commission (Napolcom) dahil sa droga.

Marahil, kung hindi pa si Rodrigo Duterte ang naging Pangulo ng Pilipinas na masyadong agresibo laban sa iligal na droga ay hindi makararating sa Kamara na 12,500 ang pinaniniwalaang sangkot sa ipinagbabawal na gamot.

Kung lumitaw sa imbestigasyon ng pamunuan ng PNP na totoo pala ito, dapat nang linisin ang naturang ahensiya ng pamahalaan.

Hindi alam ng publiko na nakakatakot pala ang PNP natin.

Hindi lang arogante, siga kapag pasahero sa bus, dyip, at tren, kundi ngayon ay marami ang sangkot sa droga, kaya sila nakakatakot.

Halimbawa, sa Quezon City Police District (QCPD), lahat ng 12 police station at maging anti-carnapping unit at anti-illegal drug unit ay mayroong pasok sa iligal na droga.

Halos 100 na ang pulis-QCPD ang inilipat sa Mindanao simula Hulyo 1.

Sa Region – 3, ay 77 pulis ang ipinatapon sa Mindanao kamakailan dahil sa droga.

Sa Antipolo City, maraming pulis din ang ipinatanggal sa puwesto dahil sa nabunyag sa imbestigasyon sa Senado  na pawang mga pulis-Antipolo City mismo ang nagsusuplay ng shabu sa mag-asawang pinatay nila nang dahil sa shabu.

Noong panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, isang heneral sa Kampo Crame ang balitang-balita na konektado sa sindikato ng droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Ang heneral daw na ito ay malakas sa dating opisyal ng administrasyong Aquino.

Ang tanong: Bakit umabot ang ganitong istatus ng PNP?

Sino ang nagpabaya? Sino ang nagkulang?

Marahil, hindi na babangitin ni Magalong ang mga sagot sa nasabing mga katanungan.

Okey lang.

Basta ang mahalaga ngayon ay determinado, tapat, at seryoso ang pamunuan ng PNP na linisn na ang ahensiyang ito upang bumalik ang paggalang at tiwala ng mamamayan sa pambansang pulisya.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like