(Ikalawang update) 14 Patay, higit 60 Sugatan sa Pagsabog sa Davao City

 

Ni: Marites Badilla

 

LABING-APAT ang namatay at mahigit 60 ang malubhang nasugatan nang may sumabog nitong Biyernes ng gabi sa isang palengke sa Davao City.

Ayon sa ulat, dakong 10:20 ng gabi naganap ang napakalakas na pagsabog sa Roxas Street.

Ang nasabing lugar ay maraming tao dahil mayroong “night market” dito, banggit ng pulisya.

Sinimulan nang imbestigahan ang insidente upang matukoy kung ano ang ginamit sa pagpapasabog, sinu-sino ang nagpasabog, at ano ang motibo sa isinagawang krimen.

Ayon sa ulat ng pulis, limang lalaki at limang babae ang kagyat na namatay sa pinangyarihan ng pagsabog.

Tinatayang 60 ang malubhang nasugatan na mabilis ding itinakbo sa Southern Philippines Medical Center.

Apat sa mga isinugod sa ospital ay namatay habang ginagamot.

Ilang minuto matapos ang insidente ay kaagad na pumunta si Pangulong Rodrigo Duterte upang alamin ang nangyari.

Pumunta rin ang anak niyang si Davao City Bise-Alkalde Paolo Duterte.

Nakiusap ang Malakanyang na huwag maalarma ang publiko, sapagkat iniimbestigahan na ng pulisya ang krimen.

Isa sa posibleng nasa likod ng pangyayari ay ang Abu Sayyaf Group (ASG) dahil maaaring gumaganti ito sa utos ng Pangulo na huwag titigilan ang pag-atake sa kanilang kuta sa Sulu hangga’t hindi nauubos ang ASG.

Hindi rin isinantabi ng pulisya ang posibleng malaking sindikato ng iligal na droga ang may pakana, sapagkat masyado nang matindi ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa bawal na gamot.

May mga namatay na sa sinasabing “untouchable drug lords” noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Tinitingnan na mayroong mensahe ng pananakot kay Paangulong Duterte ang pagsabog na naganap.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like