100,000 dumagsa sa pagsuporta sa ‘White Vote’

whitevote

Sa isang hakbang na marahil ay aani ng pagbatikos at suporta mula sa iba’t ibang panig, nagpakita ng puwersa nitong Sabado ng iilan sa mga pinakamalalaking religious group sa bansa ang tinatawag na White Vote Movement na naglalayon na maprotektahan at paliwigin ang family values sa bansa, maging sa larangan ng pulitika.

“Angkinin niyo ang pananagutan para sa pagbabago ng lipunan. Huwag ipaubaya kanino na lang; nasa inyong kamay ang magandang kinabukasan!” ani retired Bishop Teodoro Bacani na siya ring spiritual adviser ng El Shaddai, sa pagtitipon ng mahigit kumulang 100,00 na mga miyembro ng naturang grupo at ng iba pang pangkat na kasapi sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas (LAIKO), sa pagpapahayag ng nasabing grupo ang mga ine-endorsong kandidato para sa Senado.

Ang anim na kandidatong inendorso ng White Vote Movement ay sina Congressman Joseph Victor “JV” Ejercito Estrada, Congresswoman Ma. Milagros “Mitos” Magsaysay, mga senador Gregorio Honasan, Aquilino “Koko” Pimentel III, Antonio Trillanes IV, at si dating senador Cynthia Villar.

“Sama-sama kayong magdasal, mag-diskusyon, kumilos upang ang katotohanan ay mangibabaw. Ang basehan ng iba ay ang laki ng bayad, kung popular, kung magaling sumayaw… hindi tayo naghahanap ng celebrities pero taga-lingkod bayan. Kinakailangang maka-Diyos, maka-buhay, maka-pamilya,” iginiit ni Bacani.

Malaki ang kakayahan ng mga ordinaryong mamamayan upang mapabuti ang lipunan — ito ang ipinahayag ni Bacani sa mga dumalo sa nasabing pagtitipon.

“Wala pong nagpilit sa kanila. Mga hindi dating magpagsama-sama [na grupo], nagsama na ,” ayon naman kay Bro. Mike Velarde na tagapagtatag at servant leader ng El Shaddai na siya ring spokesman ng White Vote Movement. Hindi umaasenso ang Pilipinas dahil hindi magkakalakip ang mga mamamayan, dagdag pa nito.

Ang LAIKO ang nanguna sa pagbuo ng koalisyon ng iba’t ibang Catholic lay groups na binansagan ng pangalang White Vote Movement, na siyang itinatag bilang sagot sa paniniwala ng maraming Katoliko hinggil sa papel ng mga laiko upang pagtibayin ang mga pinakamahalagang family values.
Iginiit ni Bacani ang responsibilidad ng bawat ordinaryong mamamayan na tumulong sa pagluklok ng mga lider sa gobyerno na tunay na makatutulong sa bansa – isang malaking pagkakaiba sa tungkulin naman ng kaparian.

“Magbigay ng wastong turo at magbigay ng energy – ito ang papel ng mga obispo, sabi ni Pope [Emeritus] Benedict XVI sa isang encyclical na kanyang sinulat. At ang sabi naman ni Pope Francis… ngunit ang direktong pakikilahok sa pagbabago ng lipunan, iyan ay tungkulin ng mga laiko,” paliwanag ni Bacani.

Ipinaliwanag rin ng obispo na hinihikayat ng turo ng Simbahan ang mga laiko na seryosohin ang kanilang tungkuling maghalal nga mga mabuting lider – at kasama dito ang pag-e-endorso.

“Sinabi na noong 1991 sa Second Plenary Council ng Pilipinas, sa mga laiko na nasa posisyon ng responsibilidad… na sila ang mag-endorso ng mga makabubuti sa bayan. Iyan po ay karapatan, di labag sa alituntunin ng Simbahan,” dagdag pa nito.

Ang ilan pang nagpahayag ng mensahe noong gabing iyon ay sina Fr. Melvin Castro ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Family and Life (CBCP-ECFL), at Frank Padilla, Servant Leader ng Couples for Christ-Foundation for Family and Life (CFC-FFL).

Ang mga grupong kasapi sa White Vote Movement ay ang Adoracion Nocturna Filipina, Archdiocesan Council of the Laity of Lipa, Archdiocesan Council of the Laity of San Fernando, Pampanga, Bukas Loob sa Diyos Covenant Community, Catholic Teachers’ Guild, Children of God our Father of All Mankind, Christian Family Movement, Children of Mary/Prayer Partners Ex Seminarians for Life/ Kilos Laiko, Familia Community, Family Renewal Movement, Family Rosary Crusade, Family Rosary Crusade –Youth Ministry, Holy Name Society of the Philippines, Kababaihan ng Maynila, Knights of Columbus – Luzon Jurisdiction, Legion of Mary, Live Christ Share Christ Movement, Live Pure Movement, Light of Jesus, Lord’s Flock, Marriage Enhancement & Team Services, Mother Butler Mission Guild, National Sandigan Foundation, St. Peter Community, St. John Apostle & Evangelist Assn., Teodora, Teresian Association, Women of Asia for Development, at Young Christian Workers of the Phils.

You May Also Like