10 taon kay ‘tiwaling’ Lozada

Ni: Joel O. Amongo
 
ANIM na taon hanggang 10 makukulong si Rodolfo “Jun” Lozada Jr. dahil sa katiwalian, ayon sa Sandiganbayan.
 
Ang pagpapakulong kay Lozada ay malayo sa naging imahe niya noong panahong si Gloria Macapagal-Arroyo ang Pangulo ng bansa na taga-pagsiwalat ng maanomalyang transaksiyon ng pamahalaan sa National Broadband Network, o NBN-ZTE ng China.
 
Idiniin ng ika-4 na dibisyon ng Sandiganbayan na si Lozada ay napatunayang nilabag ang Seksiyon 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
 
May kaugnayan ang kaso ni Lozada noong pangulo siya ng Philippine Forest Corp. (PFC) na pag-aari ng pamahalaan noong 2007 hanggang 2008 ay pinaupahan niya ang 6.59 ektaryang lupang pag-aari ng nasabing kumpanya sa kanyang kapatid na si Jose Orlando Lozada ng Transforma Quintam, isang pribadong kumpanya.
 
Ani Lozada, mayroon siyang iba pang dokumentong ihaharap sa ika-4 na dibisyon ng Sandiganbayan sa kanyang pag-apila sa kaso.
 
Ang mga ebidensiya ay magpapatunay na wala siyang ginawang korapsiyon habang pangulo siya ng PFC, banggit ni Lozada sa media.
  
Sabi ng ika-4 na dibisyon, may conflict of interest si Lozada nang payagan niyang parentahan ang 6.59 ektaryang lupa ng PFC sa kanyang kapatid.
 
Samantala, pinawalang sala ng Sandiganbayan si Lozada sa paglabag sa Seksiyon 3 (h) ng Anti-Graft Law, o pagkakaroon ng pinansiyal na interes sa kontrobersiyal na transaksiyon.
 
Si Lozada ang pangunahing testigo hinggil sa kontrobersiya ng NBN-ZTE laban kina dating Unang Ginoo Mike Arroyo at dating pinuno ng Commission on Elections (Comelec) na si Benjamin Abalos.

You May Also Like